...

Official Publication of the Philippine Information Agency Bicol Regional Office, in cooperation with the RIAC-REDIRAS - RDC Bicol



Friday, July 1, 2011

Sen. Chiz , kinilala ang nagawa at tiwala sa magagawa pa ni Pangulong Aquino
…mga civil engineers, hinikayat maging kaisa sa pagbabago, pagkamit ng pangarap


LUNGSOD NG LEGAZPI, Hulyo 2 (PIA) -- Buo ang paniniwala at supurta ni Senador Francis Escudero sa Pangulong Benigno Aquino III na nasa kamay at balikat ng huli ang pag-unlad ng ating bansa.

Binigyang diin ni Escudero na naibalik ng Pangulo Aquino ang respeto, kumpiyansa at integridad sa Tanggapan ng Pangulo at mismo sa Pangulo ng bansa.

Umaasa ang senador na magagamit ng Pangulo ang tiwalang ibinigay ng taong bayan sa kanya tungo sa tunay na pagbabagong hinahanap ng ating bansa.

Sa pagsalita ni Escudero sa Midyear National Convention ng Philippine Institute of Civil Engineers o PICE na ginaganap sa Ibalong Centrum for Recreation dito sa lungsod, hinamon ng senador ang halos limang libong lumahok na mga enhinyero sa buong bansa na maging kaisa, kasama at kakampi sa pagkamit sa pangarap ng taong bayan.

Inihayag ni Escudero na ang hamon kay Pangulong Aquino o anumang hamon ng tadhana sa ating bansa ay hindi kayang tugunang mag isa ng Pangulo, kundi kailangan ang supurta ng bawat sektor ng lipunan, partikular mula sa hanay ng mga inhenyero.

Binigyang diin ni Escudero na malalagpasan ng Pangulo at ng bansa ang lahat ng mga ito kung tayo ay magkakasama bilang isang bansa at isang lahi.

Aniya ang hinahangad na pagbabago ay huwag hintaying maganap sa susunod pang mga henerasyon kundi ngayon na, dagdag pa na huwag maging bahagi ng problema sa halip maging parte ng solusyon.

Ipinagbigay halimbawa ng senador ang mga kababayan nating sa ibang bansa, aniya kung sinusunod nila ang batas sa ibang bansa, kalangang pagbalik sa bansa ganoon pa rin.

Kaugnay nito, pinapurihan ng senador ang mga engineers sa kanilang national convention sapagkat nagkakausap at nagkikita ang mga ito tungo sa iisang daan para sa bayan.

Nangako rin si Escudero na itutulak nito ang pag-amyenda ng 50 taon nang Civil Engineers Act, kung saan kailangan ang mga probisyon na, una, dapat maging mandatory ang membership ng mga civil engineer sa PICE; pangalawa kailangang maging mandatory din ang tuluy-tuloy na edukasyon at training; at panghuli, ang propesyonalismo sa hanay ng mga civil engineers.

Hiniling ng senador mula sa grupo na pag-aralan ang kaukulang mga hakbangin ukol sa inihayag ng Phivolcs na kung tumama sa bansa ang sobra sa 8 magnitude na lindol ay masisira ang halos 99 porsiyento ng mga gusali at tulay, lalung lalo na sa Metro Manila.

Kinakailangan maging kaisa rin ang mga inhenyero, ayon kay Escudero, sa pagsasagawa ng mga hakbangin bunsod ng mga hamon at epekto ng climate change at pag-iwas sa mga sakuna bunsod ng mga kalamidad, lalo na sa pagsiguro na matatag at ligtas ang mga gusali at iba pang imprastraktura sa buong bansa. (MAL, PIA V/NIM, RnB)

No comments:

Post a Comment