...

Official Publication of the Philippine Information Agency Bicol Regional Office, in cooperation with the RIAC-REDIRAS - RDC Bicol



Monday, September 26, 2016

World Rabies Day ipinagdiriwang sa Naga City upang maiwasan, makontrol ang paglaganap ng sakit

By Danilo Abad

LUNGSOD NG NAGA, Setyembre 26 (PIA) -- Nanguna ang Naga City Veterinary Office (NCVO) sa pagdiriwang ng World Rabies Day noong Biyernes Setyembre 23, 2016 na tinampukan ng libreng pagbabakuna sa mga alagang aso at pusa na libre para maiwasan ang rabies.

Ayon kay Dr. Junius Elad, hepe ng NCVO, maliban sa libreng pagbabakuna ay mayroon din isinagawang pagkapon ng mga lalaking aso at pusa, gayon din may libreng pamurgang gamot na ibinigay sa mga alagang hayop.

Nagsagawa rin poster making contest at "rabies quiz bee" upang mapataas ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral na nakasentro sa temang "Educate, Vaccinate at Eliminate".

Sinabi ni Elad na magkakaroon din ng film showing sa SM City dito sa susunod na linggo mula Lunes hanggang Biyernes upang ipakita at ipaalam sa mga mamamayan ang epekto ng rabies sa tao. Isang sinehan ng SM ang nakatalaga sa mga mag-aaral upang manonood simula ika-9 ng umaga hanggang ika-12 ng hapon sa tatlong grupo na may kabuuang 470 mag-aaral sa bawat grupo.

Dagdag pa ni Elad, na ginagawa ito upang maintindihan ng mga mag-aral kung ano ang rabies, paano maiwasan ang kagat ng aso, at kung papaano ang responsableng pag-aalaga ng aso. Sa pamamaraan ng ganitong aktibidad ay malaking tulong ito na mailigtas sila sa kagat ng aso at pusa balang araw, dagdag pa ni Elad.

Ipinagmamalaki din ng NCVO na tumanggap sila ng pagkilala bilang Best Implementor ng programa mula sa Australian Government. Nakasama ang LGU-Naga City at halos isang daan na munisipyo sa buong bansa ang napili sa pagkilala.

Umabot na din sa 11,000 na mga aso at pusa ang nabakunahan ng anti-rabies taun-taon ng NCVO.

Nakiisa din ang mga ahensiya sa selibrasyon ng World Rabies Day sa lungsod sa pamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa ilalim ng Dept. of Agriculture, DepEd, DILG, DOH pati na rin ang Australian Aid at iba pang pribadong grupo. (MAL/DCA--PIA5/Camarines Sur)





- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/851474857341/world-rabies-day-ipinagdiriwang-sa-naga-city-upang-maiwasan-makontrol-ang-paglaganap-ng-sakit#sthash.9YLcJoFm.dpuf

No comments:

Post a Comment