...

Official Publication of the Philippine Information Agency Bicol Regional Office, in cooperation with the RIAC-REDIRAS - RDC Bicol



Monday, July 11, 2011

PILIPINAS NATIN... Pre-SONA Teleradyo series @ NBN 4 and Radyo ng Bayan


Baldoz: “Saudization” hindi agarang ipatutupad

QUEZON CITY (PIA) -- Pinawi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang pangamba ng mga manggagawang nasa Saudi at mga may balak mag-Saudi sa polisiyang “Saudization.”
Anya, “Hindi ko po nakikita sa agarang panahon na mangyayari ang kinatatakutang mawalan ng trabaho ang milyong Pilipino na nandoon po sa Saudi Arabia.”

Niliwanag ni Baldoz na “karamihan sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa Saudi ay nabibilang sa highly skilled o professionals na maaring hindi abutin ng Saudization. Doon po sila magsisimula sa unskilled at low-skilled.” Ang nabibilang sa low-skilled ay ang mga trabahador gaya ng watchman, gardener, at manual construction workers.

Sa kaso ng mga low-skilled, napag-alaman ni Baldoz na pagkatapos pa ng anim na taon bago ito ipatutupad, kung saan ititigil na ng Saudi ang pag-bibigay ng working visa sa mga foreign workers.

Kung mangyari man ito, “kayang-kaya i-absorb ng local economy natin ang mga mawawalan ng trabaho doon kasi umuunlad naman ang ating construction industry.”

Gayundin, anya, pumapangalawa na ang ating service sector sa paglikha ng mga trabaho dito. “Atin po silang tutulungan sa pamamagitan ng local alternative employment,” ani Baldoz.

Si Baldoz, na kabilang sa human development cluster, ay isa sa mga panauhin ng pangalawang yugto ng talakayang Pilipinas Natin ng NBN 4 Biyernes ng umaga na tumalakay sa Human Development and Poverty Reduction program ng gubyernong Aquino.

Kasama niya sa talakayan sina social welfare secretary Dinky Soliman, education secretary Armin Luistro, at health secretary Enrique Ona.

Ang pangatlong yugto ng Pilipinas Natin, na tatalakay sa Climate Change Adaptation and Mitigation, ay gaganapin sa Hulyo 13. Sa Hulyo 18 naman ang Security, Justice, and Peace cluster; at Hulyo 19 naman ang Good Governance and Anti-Corruption cluster.

Mapapanuod ang pagsasahimpapawid ng Pilipinas Natin sa NBN-Channel 4 at IBC-13, at sabayang mapapakinggan sa DZRB-Radyo ng Bayan. (PIA CO)


Walang maiiwanang mahirap - DSWD Sec. Soliman


QUEZON CITY (PIA) -- "Hindi maiiwanan ang mga mahihirap sa inaasam na kaunlaran ng bansa."

Ito ang tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Corazon 'Dinky' Soliman nitong Biyernes nang dumalo ito sa palatuntunang Pilipinas Natin, isang pre-SONA television show sa NBN Channel 4 na tumatalakay sa mga programa ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III base sa "Philippine Development Plan (PDP) 2011-2016" nito.

Ayon kay Soliman, target ng poverty alleviation program ng pamahalaang Aquino na iangat ang kabuhayan ng mga mahihirap sa pamamagitan ng mga programang nagbibigay-prayoridad sa mga ito, upang personal nilang maranasan ang mga repormang ipinapatupad ng gobyerno.

Kabilang na rito, aniya, ang pagbibigay ng de-kalidad at libreng edukasyon, disenteng hanap-buhay at iba pang oportunidad para mapagbuti ang katayuan nila sa buhay.

Patunay dito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o Conditional Cash Transfer (CCT) program ng DSWD kung saan naglaan ng P21 bilyong budget ang gobyerno para lamang sa taong ito.

Nito lamang nakaraang linggo, tumayong saksi ang Pangulong Aquino sa paggawad ng ika-2.3 milyong pamilyang benepisaryo ng CCT na kabilang sa mga pinakamahihirap na sektor ng populasyon.

Layon kasi ng programang ito na pangalagaan ang edukasyon at kalusugan ng mga bata edad 14-anyos pababa at maging ang kapakanan ng kanilang mga ina, sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal na may kaakibat na ilang kondisyon.

Kabilang na rito ang pagtiyak na nag-aaral ang kanilang mga anak, regular silang nagpapa-check-up sa duktor at nagpapabakuna laban sa sakit.

Bukod pa rito, ibinida rin ni Soliman ang iba pang "pro-human development" na programa ng gobyerno na tulad ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), kung saan nagtatayo ang pamahalaan ng kinakailangang imprastraktura at iba pang pang-ekonomiyang aktibidad base na rin sa mga proyektong tinukoy ng isang partikular na komunidad.

Gayundin, aniya, aktibo nilang isinusulong ang programang Self-Employment Assistance Kaunlaran (SEA-K) na nagpapautang naman ng mahalagang puhunan para sa mga maliliit na nagnenegosyo.

Ipinagmalaki rin ni Soliman na nauna nang tiniyak ni Pangulong Aquino na patuloy na makatatanggap ng kaukulang pondo ang mga naturang programa upang siguradong makararating sa mas nakararaming benepisaryong mahihirap. (PIA CO)


Kakulangan sa edukasyon, pupunan ng makabagong sistema – Kal. Luistro

QUEZON CITY (PIA) -- Ipinahayag ni kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Armin A. Luistro kanina sa sa programang Pilipinas Natin ng NBN-4 na may limang kakulangan sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas ang pinagtutuunan ngayon ng pansin ng administrasyong Aquino: ang mga kakulangan ng mga guro, silid aralan, mga upuan, at sanitation facilities at mga aklat.

Ayon kay kalihim Luistro, “Ang talagang utos ni Presidente ay punuan ‘yung mga kakulangan.”

Dagdag pa ni Secretary Luistro, may mas nakahihigit pang kakulangan sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas na hindi nabibigyan ng sapat na pansin, at ito ang kakulangan sa programa ng edukasyon.

Ipinaliwanag niya na hangga’t hindi natutugunan ang kakulangang ito, mananatiling “hilaw” ang mga produkto ng edukasyon sa bansa. “’Yung ating mga engineers, duktor at professionals, hindi na tinatanggap sa Thailand (at) sa mga karatig na bansa (tulad ng) Malaysia (at) Singapore dahil may kulang (tayo) na dalawang taon.”

Maging si Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz, na kasama sa talakayan, ay inaming may suliranin ang sistema ng edukasyon sa bansa. Ayon sa kanya, mas kapansin-pansin ang kakulangang ito dahil sa “nagbago na ang merkado,” lalo pa sa ibang bansa kung saan madalas naghahanap ng trabaho ang mga Pilipino. Kwento pa ni Secretary Baldoz tungkol sa mga employers sa ibang bansa, “Lagi nilang hinahanap ‘yung dalawang taong kakulangan sa ating curriculum.”

Ang nakikitang paraan ni Secretary Luistro para matugunan ang kakulangan sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay ang pagpapatupad ng K to 12, o ang mandatory Kinder education na sinusundan ng kabuuang labing-dalawang taon ng basic education: anim na taon para sa elementary, apat na taon para sa Junior High School, at karagdagang dalawang taon para sa Senior High School.

Ang pahayag ni Luistro ay kaugnay sa isang report na inilabas ng kagawaran hinggil sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa Pilipinas na kinakikitaan ng kakulangan ng basic competencies ang mga estudyanteng nagtatapos ng basic edukasyon, o ang kabuuang 10 taon ng elementary at high school.

Ayon sa report, ito ay dahil na rin sa kulang sa sapat na oras at panahon ang naigugugol para mapag-aralang mabuti ang mga basic competencies na ito.

Nabanggit din sa primer na ang kakulangan din sa sistema ng edukasyon ang siyang dahilan kung bakit marami sa mga Pilipino ngayon ang walang makuhang trabaho. “Most of the basic education graduates are too young to enter the labor force (below 18).”
Ayon kay Secretary Luistro, layunin ng K to 12 na mapa-igting ang kakayahan ng mga estudyante na nasa Junior High (o ang apat na taon ng high school pagkatapos ng grade six) sa larangan ng technical at vocational skills bilang paghahanda nila upang magkaroon ng sapat na kakayahang makapag-trabaho kaagad, lalo pa kung hindi pa nila kayang makapag-aral sa kolehiyo.

“Yung high school ngayon, yun ang magiging Junior High School. At kung hindi naman sila pumasok ng Senior High School, ang mga skills na gusto nating ipaiwan sa kanila eh ‘yung mga vocational skills. Hindi naman sila mapipilit kung ayaw nila, pero ang gusto natin, ‘yung mga skills ng Junior High School eh itataas ang angat at magiging technical na siya,” ang pahayag ni Secretary Luistro. (PIA CO)

No comments:

Post a Comment